Entry: Image hosting by Photobucket Saturday, March 11, 2006



 

Kung matapang ka, sabi ng Malakanyang, magboksing ka na lang kaya. Gayahin mo si Pacqiuao—bayani ng bayan, dala-dalwa ang asawa. Hindi ka sa amin uubra, isang aperkat lang ng batas-militar, tapos ang karir mong bata ka.

Magbibilang ka ng uban sa piitan tulad ni Beltran

Kung matapang kang magsulat-manudla, ituloy mo lang. Hindi naman makasusugat ang mga letra. Matitikman mo lang aking hagupit kapag umabot sa akin ang sumpit. Pero kung hindi, okey lang. Ibig sabihin, mahina ka---wala kang mambabasa. Hindi ka banta sa seguridad.

Kung matapang ka at patiwakal, pumagitna ka sa digmaang NPA at militar.
Saluhin mo ang mga bala ng kaaway sa halip na makipagsabwatan sa mga rebelde at komunista. O kaya, mamundok ka at kalagan ang mga kaawa-awang bihag ng mga salot na gerilyista.

Kung matapang ka at patiwakal, abangan mo ang pagnganga ng buwaya. Saka mo isuot ang pakialamero mong ulo sa kanyang bunganga. Baka sakaling makita at mabawi mo mula sa madilim na lalamunan hanggang tiyan ang mga ibinintang mong sinila nitong halimaw na nilalang.

Kung matapang ka tulad ni Rustom Padilla, magladlad ka na ng kulay. Kaliwa ba o kanan? Huwag kang doble-kara! Malakas ang radar ko, maaamoy din kita. Kung may kinikimkim kang masamang pithaya, isambulat mo na nang maaga bago ka maipagtabuyan sa bahay ni Gloria.

Kung matapang ka at patiwakal, bakit hindi ka kumuha ng matalas na punyal. Itarak mo sa dibdib ng kalabang terorista o kaya sa tulak, sa pulitikong maingay, sa ismagler, manunugal o magnanakaw na kapitbahay. Mas maganda kung gawin mo ang sarili na isang bomba, humanap ka ng makapal na madlang nagwewelga't patahimikin mo sila!

Kung matapang ka talaga, matigas ang mukha, makapal ang tinga, palalo, palamara, sadomasukista, buwaya, buwaka-ng-ina, etsetera?Halika! Kaunting treyning pa kay Bunye, isasali kita sa gabinete!

 

Lolito Go

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments