Isang araw ng pagkalukring ni Gloria Macapagal Arroyo, ibinaba niya ang Presidential Proclamation 1017. Sa isang yahoogroup ng mga Pinoypoets, 10 makata ang sumagot sa bantang ito sa demokrasya ng bansa. At ito ang 17 sa kanilang mga katha.

Friday, March 10, 2006
Standoff


"The DepEd has declared that there will be no classes in Metro Manila in all levels tomorrow. I can hear the rejoicing all over the Metro right now."
- Mari Kaimo, broadcaster



Upon hearing the news, darling, you
reach for the remote. "I wonder
who'll make it on American Idol tonight,"
you ask me, surfing through channels
at breakneck speed.

Outside, a storm is brewing
at the Fort; a hail of prayers
against the barbed-wire fence.

At the break, the twins
(the onces you admire even as I despise them)
are still there. You turn to me and ask,
"What's all the fuss?" A siren breaks
the silence. I swear I can hear
leather-clad footsteps in cadence.

Outside, the fascists
are storming the gates; the news tonight
against the official story.

I switch to the late-night newscast:
another tabloid broken into, tanks
patrolling the streets, a two-faced monster
telling us things are under control.

As you walk up the stairs to your room,
the monsters under your bed say,
"Sleep tight. You'll be safe tonight."

Jonar Sabellano


Posted at 10:17 am by kamakata
watkanyusey  

diyes-didisiyete

numero lamang ng bahay
sa gitna ng kalsadang-dilim
ang iyong binigay na liham sa akin.

alam ko sa paghahanap
ng numerong ito
ang tatahakin

ay sanlibong diyablo,
habang mata ko
ay nakapiring

busal ang bibig
kamay na nakatirintas
at paang walang tsinelas

kung saan ang kalsadang-dilim
ay tinirikan ng tinik
at semento'y putik.

gayunman, gamit
ang tibok ng paglaya
bahay ay hahanapin

at kita'y hahanapin
upang doon ay sunugin
nang lumiwanag ang kalsadang-dilim.

Medel Mercado


Posted at 10:17 am by kamakata
watkanyusey  

Fellatio ng Malakanyang

Si Big Brother may bading
Sa bahay humalinghing
Ang palasyo may Gloria
Kalayaa¡¦y hinada

Jaime Adriano


Posted at 10:17 am by kamakata
watkanyusey  

State of Emergency

Ayon sa intelihensya ng kaharian:


Umabot hanggang palasyo ang usok
Ng nilulutong kudeta


May lahok ng alak na implamable
Puso ng dagambukid
Dugo ng asong-kalye
Kamandag ng serpiyente


Ipakakain sa reyna
Ang nakalalasong putahe


Ayon sa intelihensya ng kaharian:


Umabot sa palasyo ang pakakak ng
Iresponsableng pamamahayag


Badya ng paghuhukom
Nakabubulabog
Nakabibingi
Nakaririndi ang alingawngaw


Ipanghaharana sa reyna
Ang makapunit-taingang ingay


Ayon sa intelihensya ng kaharian:


Umabot sa palasyo ang pinalipad
Na eroplanong papel


Ng desperadong mamamayan
Lulan ang mga titik
Ng paninisi't pagbibintang
Sakay ang antraks ng benggansa


Ipasisinghot sa reyna
Hanggang malusaw ang mga baga


Umabot sa palasyo ang dagitab ng silakbo
Ang balaraw ng naipong panaghoy
Na sumisilahis mula sa maitim na papawirin
Na nagtatangka ng panibagong unos
Hindi pa man humuhupa ang alimuom
Ng nagdaang ambon


May karapatang mataranta ang lahat sa palasyo
At ipakandado ang bibig ng katotohanang lason


Ayon sa intelihensya ng kahariang nauulol

 

Lolito Go


Posted at 10:17 am by kamakata
watkanyusey  

Sa isang kontribyutor sa Youngblood, ilang buwan na rin ang nakalipas


Kapwa kong manunulat:
habang nilalakad mo ang Ayala,
suot ang iyong sapatos na stiletto,
lagi mo sanang tandaang
ang karapatan mong magalit sa trapik
na dulot ng mga pesteng raliyista
ang siyang ipinaglalaban
ng mga raliyistang dini-disperse
ngayong gabi. Huwag mong sabihing
hindi ka na binalaan pa.
Ang itinaboy mong pulubi sa Starbucks kanina,
habang nakikipagtsikahan ka
sa mga kaibigan mong makata,
ay giniginaw na. Posibleng duguan pa.
Huwag kang magugulat kung bukas,
wala ka nang mababasang tula sa mga magasin.
Marahil, pati si Neruda ay i-disperse na rin.
Paano pa kaya kayong naka-itim? Bampira,
bampira. Huwag kang magugulat kung bukas,
ang bus na sinasakyan mo'y 'di umusad.
Pati ang bibig mo'y naka-barikada.
At, bawal ang magalit.
Ngunit ano pa ba ang mawawala?
Sanay ka naman sa pagiging tahimik.
Sige, magpaka-tupa ka pa.
Baaaa.
Baaaa.

Jonar Sabilano


Posted at 10:17 am by kamakata
watkanyusey  

Pasismo Mismo

May panganib raw sa bansa,
kahol ni Kumander Tuta
kaya't biglang ibinaba
proklamasyong nambulaga.

Kudeta ay nagbabanta
at bago raw masalanta
rehimeng nagpapasasa,
kailangang masawata.

Demokrasya’y balewala.
Maging ang mga balita
mahigpit na isasala.
Talaga ngang walang hiya!

Umaasa sa himala.
Siya’y mapawalang-sala
sa ginawang pandaraya;
pangungulimbat sa madla.

Sa puwesto'y kapit-linta.
Sinuman ang mambutata
sa japeyk na tigas-mukha
kastigo ang mahihita.

Ngunit mayro'ng talinhaga
kasaysayan ang nagwika
tanglaw na mga kandila
di mawawalan ng bisa.

At 'sanlibo mang batuta
sa bayan ay iaamba,
hindi mapapatirapa.
Bibigwas hanggang lumaya

Mark Angeles


Posted at 10:17 am by kamakata
watkanyusey  

Sa Gloring's Salon

sa halip na suyuran
            sinunog ang buhok
ng kinukutong
ulo
at tinalupan ang
            mukhang nanlilimahid
imbes na
hilamusan
hulaan ninyo kung
            ano ang ginawa
sa mga patay na
kuko
sa mga kamay at paa?
pinitas isa-isa
saka ibinasura
may masaheng kasama
            yun nga lang
mala-maso ang mga
brasong
kakalabog sa likod at
mapapayupyop ka
habang humihibik nang
nakaupo
at sa sandaling sumigaw
            ka nang malakas
at pumiglas¡X ipoposas ka't
bubusalan!
ganyan ang alok na pagbabago
sa Gloring's Salon
masaklap
makirot
nakamamatay kung minsan¡K
¡Knasabi ko na bang
bawal mag-ingay sa loob?

Lolito Go


Posted at 10:11 am by kamakata
watkanyusey  


Previous Page

   



"Laging mapanganib ang hamon ng kasalukuyan sa bisa ng talinghaga. Sa harap ng mga proklamasyon ng kapangyarihan, narito ang mga pahayag na hindi tumatalikod sa talagang nakapangyayari, at walang pagwawalambahala sa ipinapataw na pamamahala." Edgar Calabia Samar


"Here are the verses from poets who are committed to their craft -- and to their convictions. These poets wield their art like a scalpel to expose the malignancy of the usurper in Malacañang. Something is rotten in the state of the nation, and their poems are a call to action." Zaldy Dandan





JAIME ADRIANO

Tubong Pateros si Chuy tulad ng kanyang idolong makata na si Pete Lacaba. Karamihan sa kanyang mga likha ay tungkol sa maseselan ngunit lantarang katotohanan sa lipunan na ayon sa kanya’y pawang ka-chorvahan lamang. Nagtapos siya ng kursong Commerce major in Business Administration sa UST kung saan dati rin siyang Managing Editor ng kanilang college publication. Magkakasundo kayo kung bibigyan niyo siya ng beer at tatabihan habang nanonood ng mga taong naglalakad. Mas mahaba pa ang profile na ito kesa sa tula niya. Mag-ingat sa magnanakaw. Love, LRT.

MARK ANGELES

Nakilala sa cyber-alyas na Makoy Dakuykoy. Hindi nasindak ng Strong Republic ang kanyang blog [www.tabulas.com/~soulfly] at nagpapaskil na ng mga entri na kritikal sa rehimeng Arroyo simula nang itatag niya ito noong 2003. Dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines. Nakapaglathala na sa Liwayway, Sunday Inquirer Magazine, Literary Apprentice at iba pa.

JAKE FAJARDO

Si Kalteng ay 5'8" pero sa panaginip nya lang yon. Mahilig matulog nang nakadapa dahil iyon daw ang paraan para magkatotoo ang mga wet dreams n'ya ayon sa isang kainuman. Nangangarap na sana bumagsak yung anvil na gamit sa Looney Toons sa ulo ni GMA habang nagpipilit s'yang magmukhang kasimpa-simpatiya in front of national TV.

LOLITO GO
Si Bum na ata ang may pinakamaikling apelyido at pinakamahabang buhok sa PinoyPoets. Dalawampung taon na ang lumipas simula nang isilang siya sa tulong ng isang hilot sa Olongapo. Dalawampung taon na siyang lihis sa mga karaniwang gawing mortal. Dalawampung taon na siyang kumakanta, dalawampung taon na rin siyang tumutula. Patay na ang kaniyang kumadrona, buhay pa ang mga peste sa lipunan. Patuloy siyang makikibaka upang isulong ang sining at ang katarungang panlahat. Hindi siya natatakot makulong o mapatay.

MARLON HACLA

Si Marlon ay tubong Taguig, Metro Manila. Siya ay nagta-trabaho bilang isang system analyst sa isang kumpanya sa Makati. Nagtapos siya ng Computer Science sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay kasapi ng Pinoypoets, isang komunidad ng mga makatang Pilipino.

MEDEL MERCADO

"Ako si Empoy, kapampangan pero galit sa kapwa kapampangang nasa palasyo."

FRANCIS MONTESENA

Lumaki siya sa Majayjay Laguna, nag-aral sa Pamantasan ng Silangan (Caloocan) at namulat ang mata sa gulo ng syudad at lipunan. Isang propesyunal na tagabilang, tagakipkip at tagapag-ingat ng yaman ng isang kumpanyang pag-aari ng isang dayuhan sa lungsod ng Makati. Walang pang pananagutan at namumuhay ng mag-isa sa tahanang pinaglagyan ng kaniyang mga pagsisinop sa buhay. Hindi bulag at pipi sa mga nangyayari at kinakandili ang kapangyarihan ng salita upang maging mukha ng kaniyang damdamin.

ERNANIE RAFAEL

Si Nanoy ay naniniwala sa Diyos, at naniniwalang ang Diyos ay lubhang mabuti. Hindi siya pinili ng Diyos ngunit maaari din.

JONAR SABILANO

Dating patnugot ng Matanglawin.org, ang online na pahayagang pangmag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila. Naging kasapi rin siya ng Heights, ang pahayagang pampanitikan ng nasabing pamantasan, at naging fellow para sa tulang Filipino sa Ateneo-Heights Writers' Workshop noong 2002. Kasalukuyang nagtatrabaho sa isang kumpanyang IT sa Lungsod Quezon at suma-sideline bilang gitarista ng bandang Petiks Department. Ilalabas na rin ang kanyang unang chapbook ngayong tag-araw.

REY TAMAYO

Isinilang si Rey sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte ngunit nagkamalay at natotong kumatha ng mga tula sa Metro Manila. Siya'y naging Editorial Assistant ng diaryong Tambuli at Bayanihan na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila. Sa South Eastern College sinubukang kumuha ng kursong Bachelor of Arts in literature. Sa kasalukuyan siya ay aktibong lumalahok sa mga taunang patimpalak gaya ng Don Carlos Palanca Awards for Literature, Talaang Ginto ng KWF at sa Writers Prizes ng NCCA.

<< November 2009 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
01 02 03 04 05 06 07
08 09 10 11 12 13 14
15 16 17 18 19 20 21
22 23 24 25 26 27 28
29 30



If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed